Leche Buena

LITERARI

Jamaica Ocampo at Coleen Hail Maniago

12/24/20252 min read

Halos katatapos lamang ng bukang-liwayway nang sumilip ako sa maliit na bintana ng aming bahay habang sinusuksok ang limang daang piso sa bulsa ko. Maagang naging abala ang kapitbahayan para maghanda sa Noche Buena mamayang gabi—marami nang pabalik sa kanilang bahay hawak ang mga napamili nilang rekados sa palengke.

Sa mukha naman ng iilan ay mababasa ang pamomroblema at pagkalugmok na tila ba may binibilang silang kulang bago pa man makarating sa bahay.

“Tay, anong handa natin?” tanong ng anak kong lalaki habang naglalaro ng tansan sa sahig.

Hindi ko agad sinagot. Hindi dahil ayaw ko—kundi dahil may mga sagot na hindi kayang manatili sa bibig nang hindi nababasag.

Sa estado ng buhay namin, ang kinikita ko sa pamamasada ay sumasapat lamang para sa mapangkakain namin araw-araw. Ang makapagtabi ay isang bihirang pagkakataon, at ang limang daan ay tila patunay na may naipon kahit kaunti.

Ngunit karating ko sa palengke ay sinalubong ako ng mga presyo na parang nanununtok. Manok: ₱240 kada kilo; bigas: ₱65 ang dalawang kilo; mantika: ₱80; Spaghetti noodles: ₱75; sarsa: ₱60.

Wala pa ang hotdog, keso, at asukal.

Pagkatapos ay lumapit ako sa pwesto ng ham. Hindi ko alam kung bakit—siguro dahil Pasko. ₱395 ang pinakamaliit. Hindi pa ako bumibili, ngunit parang nabawasan na agad ang laman ng bulsa ko. Sa isip ko, ang limang daan ay hindi na pera—isa na lamang itong bilang na unti-unting nauubos.

May radyo sa isang tindahan. Isang opisyal ang nagsasalita. Mahinahon ang boses. “Hindi naman kailangan ng bonggang handa. Ang mahalaga, sama-sama ang pamilya.” Napatingin ako sa aking kamay at napatawa—isang maikling tunog na agad ding nawala, tulad ng sukling bihirang tumagal.

Sa huli, bumili ako ng kalahating kilo ng manok, isang supot ng spaghetti noodles, at isang pakete ng sarsa. Walang hotdog. Walang keso. May sukli pa akong ₱29. Kung tutuusin, buo pa ang bilang—may natira.

Pag-uwi ko ay tahimik ang bahay. Inilapag ko ang pinamili ko sa mesa. Tinitigan iyon ng asawa ko. Hindi siya nagreklamo. Hindi na rin kailangan. Matagal na naming alam na sa pamilyang tulad namin, ang reklamo ay isa ring bagay na kailangang pag-ipunan.

Niluto niya ang manok bilang sabaw para dumami. Dinagdagan ng tubig ang sarsa hanggang sa maging maputla, sapat para sa apat. Paulit-ulit ang galaw, parang sanay na sanay na ang mga kamay sa ganitong paraan ng paghahati.

Alas-nuwebe ng gabi ay sinindian ko ang kandila sa gitna ng hapagkainan dahil hindi pa napapalitan ang bumbilyang napundi tatlong araw na ang nakakaraan.

Sa lamesa ay may apat na plato at isang ulam. Walang panghimagas. Walang pampalamig. Ang spaghetti ay mas maraming sabaw kaysa sarsa, at ang bawat subo ay tila may kasamang bilang—ilang kagat pa bago maubos, ilang sandali pa bago matapos ang gabi.

Sa labas, may mga ilaw na pasulput-sulpot. May mga tunog ng paputok na sumasabog sa dilim—hudyat na alas-dose na at pumatak na ang bente singko.

Sumulyap ako sa aking mag-iina at saka bumulong ng, “Maligayang Pasko.”

Doon tumulo ang luha ng asawa ko—dahan-dahan, tulad ng tubig na idinadagdag sa sarsa. Hindi dahil wala kaming handa, kundi dahil sa hapag na ito, malinaw kung gaano kaliit ang pagitan ng kasya at kulang.